Hindi titigil si Vice President Leni Robredo sa pagpuna sa kakulangan sa aksyon o maling ginagawa ng gobyerno.
Ito ang pahayag ni Robredo kasunod ng banat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa oposisyon na aniya’y panay ang ungkat sa mga isyung gaya ng West Philippine Sea sa halip na tumulong sa pagtugon sa pandemya.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ng bise presidente na lalong hindi nakakatulong ang pananahimik.
Nilinaw rin ni Robredo na hindi sila namemersonal.
“Pag may nakikita ka naman na hindi tamang ginagawa o kulang yung ginagawa, alangan namang hindi mo punahin. Kasi yung pagpuna, ang importansya niyan, kino-callout mo para maging accountable, para mag-step up. Pero kung hindi ka iimik, hindi ka nakakatulong. Kung tinatanggap mo na lang yung inefficiency, hindi ka nakakatulong,” ani Robredo.
Kasabay nito, sinabi ni Robredo na maling sabihin na wala silang ginagawa para tugunan ang pandemya.
Aniya, gaya ng pamahalaan, ginagawa rin nila ang lahat ng paraan para makatulong.
“Ang paniniwala namin, wala naman dapat pulitika sa pagtulong,” saad niya.
“Para sabihin na wala kaming ginagawa, mali yun, pero hindi ko dedepensahan ang sarili ko dahil alam naman ng karamihan na given our limited resources tsaka mandate, sinusubukan nating gawin yung kaya nating gawin para makatulong.”