Suportado ni Vice President Leni Robredo ang pagpasa bilang batas ng Unemployment Insurance Bill.
Ang House Bill 7028 ay ini-akda ni Marikina Representative Stella Quimbo.
Sa ilalim ng panukalang batas, layunin nitong magtatag ng isang unemployment insurance system para maprotektahan ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ang displaced employees ay makatatanggap ng unemployment benefits sa loob ng hanggang tatlong buwan.
Sa kaniyang video message, iginiit ni Robredo na malinaw ang naging epekto ng pandemya kung saan maraming negosyo at kumpanya ang napilitang magsara na nagresulta ng pagkawala ng trabaho ng marami.
Makatutulong aniya ang panukalang batas para mabigyan ng partial income ang mga walang trabaho at maipaabot sa kanila ang counseling, retraining at job matching.
Batay sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI) higit sa kalahati ng micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa bansa ang nagsara dahil sa pandemya.
Para kay Robredo, mahalagang maipagpatuloy ng pamahalaan ang pamamahagi ng wage subsidies para mapanatili ng mga MSMEs ang kanilang mga empleyado.
Sinabi rin ng Bise Presidente na mahihirapan ang karamihan sa mga maliliit na negosyo na magkaroon ng digital payment system lalo na kung ang pagbubukas pa lamang ng bank account ay mahirap na para sa kanila.