VP Robredo, tiniyak na hindi magiging bahagi ng RevGov

Tiniyak ni Vice President Leni Robredo na hindi siya magiging bahagi ng anumang bagay na iligal at labag sa Konstitusyon.

Ito ang tugon ni Robredo sa umano’y plano ng grupong Mayor Roa Rodrigo Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) na hikayatin siyang mamuno sa isinusulong nitong revolutionary government matapos na dumistansya sa isyu si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, pabirong sinabi ni Robredo na constitutional successor siya at hindi “unconstitutional o extra-constitutional successor.”


Aniya, bilang opisyal ng gobyerno, nanumpa siya na poporoteksyunan ang Konstitusyon.

Kaya, pakiusap ng Bise Presidente, huwag na siyang idamay sa isyu.

“Hindi ako magiging bahagi ng kahit anong galaw na labag sa ating Konstitusyon. Kasi kami ni Pangulo [Duterte] saka lahat ng officials na nakaupo ngayon, nung kami ay pumasok sa panunungkulan namin ngayon, nag-take oath kami sa Konstitusyon at aming sinumpaan na poproteksyunan naming ang Konstitusyon habang nandito kami at ginagawa naming yung trabahong inatas samin. So, wag na nila akong isali,” ani Robredo.

Facebook Comments