Hindi nagpaapekto si Vice President Leni Robredo sa planong pagpunta sa Visayas at Mindanao para dalhin ang COVID Vaccine Express Program sa kabila ng pagpuna sa kanya ni Davao City Mayor Sarah Duterte ng pamumulitika para sa 2022 election.
Ang aksyon ni Robredo ay bilang tugon na rin sa naging apela ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez na palawigin ni Robredo ang drive-through vaccination program nito sa Visayas at Mindanao na nakakaranas ngayon ng surge ng COVID-19 cases.
Sa twitter post ni Rodriguez ay agad itong nagpasalamat kay Robredo at iginiit na kailangang kailangan na ng mga taga CDO ang anumang tulong na maibibigay para mabakunahan na ang marami sa mga constituents.
Mababatid na nagkaroon ng iringan kamakailan sa pagitan nina Robredo at Mayor Duterte nang masamain ng huli ang advice ng Pangalawang Pangulo na pagaralan ng Davao City ang COVID approach ng Cebu City.
Sinabi ni Robredo na mas malaki ang populasyon ng Quezon City subalit nangunguna ang Davao City sa mga LGUs na may mataas na naitatalang kaso ng COVID kada araw.
Nabatid na sa unang araw ng vaccine express initiative ni Robredo sa Maynila, nasa 2,275 tricycle, pedicab at delivery riders ang nabigyan ng bakuna bukod pa P500 fuel incentive at nakatakda na ring isunod dito ang mga vendors.