VP Robredo, umapela kay DepEd Secretary Briones na protektahan ang edukasyon mula sa pulitika

Hinimok ni Vice President Leni Robredo si Education Secretary Leonor Briones na protektahan ang edukasyon mula sa pulitika.

Kasunod ito ng pagpuna ng Department of Education (DepEd) sa ‘community learning hubs’ project ng Office of the Vice President (OVP) na umano’y ginagamit sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes na mahigpit na ipinagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, iginiit ni Robredo na walang face-to-face classes sa community learning hubs.


Aniya, tanging tutors lang ang mayroon sa learning hubs na layong tulungan ang mga batang nahihirapan sa pag-aaral at hindi kayang tulungan sa kanilang mga bahay.

“Una, ini-insist nila na merong face-to-face classes yung community learning hubs, alam naman nila Ka Ely na wala. Wala tayong face-to-face classes kasi wala naman tayong teachers. Ang meron, tutors, na kung may batang nahihirapan, pwede siyang magpunta sa center para matulungan,” ani Robredo.

“Ang pinagsisilbihan natin dito yung mga bata, ang pinagsisilbihan natin dito yung mga teachers na nangangailangan ng tulong. Kasi yung sa’kin, totoo na bawal yung face-to-face classes kaya nga naghahanap tayo ng paraan para kahit walang face-to-face classes yung mga difficult learners matulungan,” dagdag pa niya.

Giit pa ng bise presidente, ang mga bata at mga guro na nangangailangan ng tulong ang dapat na ‘boss’ ni Briones at hindi si Pangulong Duterte.

Aniya, bagama’t ang pangulo ang nagtalaga sa kanya sa ahensya, mas dapat pa ring isipin ng kalihim ang kapakanan ng kanyang pinagsisilbihan.

“Kung meron dapat, i-insulate sa pulitika, education yun. Dapat yung boss ni Secretary Briones yung mga bata na kailangang matuto, yung mga teachers na kailangan ng tulong. Totoo na si presidente ang nag-appoint sa kanya pero sana naman ipagtanggol niya yung bata, yung mga teachers na nangangailangan ng tulong,” giit pa ng bise presidente.

“Hindi naman dito pwede ang blind obedience. Hindi dito pwede na yung ginagawa mo, ipi-please mo yung mga nakakataas sayo at the expense yung mga estudyanteng matutulungan,” pahayag ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila.

Facebook Comments