Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga opisyal ng pamahalaan na isantabi muna ang away sa gitna ng kinahaharap na COVID-19 pandemic sa bansa.
Kasunod ito ng panawagan ng mga senador na magbitiw sa kanyang puwesto si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Giit ng Bise President, makakasagabal lamang ito sa ginagawang laban kontra COVID-19.
Bagama’t karapatan ng mga senador na magpahayag ng saloobin sa pamamagitan ng resolusyon, desisyon pa rin aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kung aalisin niya sa puwesto si Duque.
Sa kabilang dako, sinabi ni Robredo na dapat na maging bukas sa kritisismo ang mga public officials at sa halip ay tingnan ito bilang paraan ng pagpapaalala sa sinumpaan nilang tungkulin sa taumbayan.
“Kasalanan man ng Department of Health (DOH), kasalanan ng ibang ahensya, tulungan natin kasi hindi natin maa-afford na ‘yong mga away away yun ‘yong makakasagabal sa ating mga ginagawa. Pero sana maging bukas din, hindi lang yung mga health officials kundi kaming lahat na naninilbihan. Dapat maging bukas sa criticism, sa pagtutuligsa dahil bahagi ito ng demokrasya. Nasa giyera tayo, magkakampi tayo dito lahat. Kaya kung anuman ‘yong pagkukulang, pag-usapan at sa pagiging bukas palitan kung ano ‘yong mga hindi tamang ginagawa,” ani Robredo.