VP Robredo, umapela sa PhilHealth na bayaran na ang utang sa mga ospital

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHeath) na bayaran na ang utang nito sa mga private hospital.

Ito ay upang makapagsilbi pa nang mas maayos ang mga ospital lalo ngayon na tumataas na naman ang kaso ng COVID-19.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila… inihalimbawa ni Robredo ang naging karanasan nila sa pagtulong sa isang COVID-19 patient sa Laguna kung saan hirap na hirap silang makahanap ng ospital.


Ayon kay Robredo, hindi rin naman pwedeng sisihin ang mga ospital dahil kahit gusto pa nilang tumanggap ng mga pasyente ay sagad na rin ang kanilang kakayahan.

“Sana yung PhilHealth, bayaran na yung mga utang sa ospital para yung mga ospital, maka-function nang maayos,” ani Robredo.

Samantala, simula noong nakaraang linggo, dagsa na rin ang mga humihingi ng tulong sa Bayanihan E-Konsulta ng Office of the Vice President (OVP).

“Talagang tambak na ulit yung nanghihingi samin ng tulong. Yung emergency cases namin kagabi, sobrang dami,” ani Robredo.

“Marami rin kaming kaso na itinatawag sa One Hospital Command na napakatagal ng balik sa’min, dati efficient pero ngayon napakatagal dahil sa dami ng kaso,” dagdag niya.

Abril 2021 nang simulan ng OVP ang Bayanihan E-Konsulta na layong magbigay ng teleconsultation services para sa mga tinatamaan ng COVID-19.

Facebook Comments