Umapela si Vice President Leni Robredo na palawigin pa ng isang buwan ang voting registration.
Ayon sa bise presidente, nauunawaan niya na kailangang magtakda ng deadline ng Commission on Elections (Comelec) para agad silang makakilos pero dapat ding ikonsidera ng ahensya ang kasalukuyang sitwasyon.
“Lagi naman akong in favor dun sa hindi madi-disenfranchise ‘yung mga botante natin,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
“Extraordinary kasi ‘yong circumstances e, at naiintindihan natin ang Comelec kasi, dahil digitize yung election kailangan talagang ayusin na nila lahat so kailangang maglagay ng deadline. Pero baka naman possible na i-delay pa siya for another month para lang siguradong makahabol yung mga hindi pa nakakapagparehistro,” dagdag niya.
Matatandang ilang linggong sinuspinde ng Comelec ang voting registration dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ sa Metro Manila.