Iginiit ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na binalewala ni Vice President Sara Duterte ang kanyang mandato sa ilalim ng Saligang Batas na magkaroon ng pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sinabi ito ni Acidre makaraang hindi siputin ni VP Sara ang ikalawang pagtalakay ng Committee on Appropriations sa P2.037 bilyong na panukalang pondo para sa Office of the Vice President o OVP sa susunod na taon.
Ayon kay Acidre, ang ginawa ni VP Sara ay tahasang paglabag sa pangunahing prinsipyo ng pamamahala at pananagutan.
Paalala ni Acidre sa ikalawang pangulo, ang public service ay hindi isang prebilehiyo kundi isang responsibilidad.
Ipinaliwanag din ni Acidre na ang Kongreso, bilang isang oversight body, ay responsable sa pagtiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit ng tama.