Pinaninindigan na ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pagiging oposisyon sa Marcos administration makaraang banatan nito ang mga opisyal ng kasalukuyang administrasyon.
Kasabay nito ay nagpahayag si Duterte ng pasasalamat sa Muslim tribe na tutulong para sa kanyang kaligtasan.
Ayon kay VP Sara, malaking bagay ang alok na seguridad ng 6 na Muslim tribes pero sa puntong ito ay mas mahalaga aniya ang kaligtasan ng ating bansa.
Binigyang diin pa ni VP Sara na, ang Pilipinas ay pinamumunuan dapat ng mga taong may malasakit at kakayanan para itaguyod ang malinis na pamahalaan subalit ang Pilipinas ngayon ay pinamumunuan aniya ng mga taong walang katapatan sa trabahong sinumpaan sa tungkulin.
Ilan sa kaniyang tinukoy ay ang kawalan ng flood-control master plan, kakulangan ng maayos na healthcare system, kakulangan sa police to population ratio at mga opisyal ng paliparan na tikom ang bibig ukol sa banta ng seguridad.
Pinasaringan din nito ang isyu sa International Criminal Court (ICC) na bilang isang malayang bansa ay dapat tumitindig laban sa mga panghihimasok ng mga dayuha at hindi sa anumang kagustuhan at pangingialam ng ICC.
Dahil aniya sa mga problemang ito, patuloy na nakararanas ng gutom at paghihirap ang bansang Pilipinas.