VP Sara Duterte, buo ang tiwala sa legal team para sa ICC case ni FPRRD

Tiwala si Vice President Sara Duterte sa legal team na kanyang binubuo para sa International Criminal Court (ICC) case ni FPRRD sa tulong ng beteranong international defense lawyer na si Nicholas Kaufman na siya ang tatayong legal counsel ng grupo.

Sinabi ni VP Sara na alam ni Kaufman ang pasikot-sikot sa ICC dahil sa kanyang 19 na taong pagsisilbi at karanasan doon.

Ayon kay VP Sara, binubuo pa rin ngayon ang legal team na tatlo hanggang lima pang mga abogado o depende raw sa laki at dami ng mga trabahong kailangang gawin.


Pero sinabi niya na kailangan ay may Filipino lawyer dahil may mga argumento tungkol sa batas sa Pilipinas.

May mga nasa shortlist na raw pero ayaw muna pangalanan ni VP Sara ang mga ito at ipauubaya na lang niya kay Kaufman ang pagpapakilala sa iba pang magiging miyembro ng legal team ni FPRRD sa ICC.

Sinabi naman ni VP Sara na kailangan niya munang tapusin ang magiging sistema ng kanilang legal team sa The Hague bago siya bumalik sa Pilipinas upang ayusin ang kanyang impeachment case at ang kanyang mga trabaho sa Office of the Vice President (OVP).

Facebook Comments