Haharap sa budget deliberation ng Senado si Vice President Sara Duterte para sa pagtalakay ng 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Kung matatandaan, in-adopt ng Senado ang budget cut ng Kamara sa OVP na P733 million mula sa orihinal na budget proposal na P2 billion.
Naunang inihayag ni Senate President Chiz Escudero na isa sa mga itatanong at kaklaruhin kay VP Duterte ay kung bakit pa nito inirerefer sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang humihingi ng tulong sa OVP gayong ngayong 2024 ay mayroon silang pondo para sa mga socio-economic programs.
Posible ring suspendihin ang rules sa plenaryo upang direktang sagutin ni VP Duterte ang mga katanungan ng mga senador.
Magkagayunman, naunang naghayag ang opisina ng Bise Presidente na hindi ito magpapaunlak ng interview sa media pagkatapos sumalang sa deliberasyon lalo’t ang ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa Kamara ngayon at humaharap sa pagdinig ng quad committee hearing kaugnay ng mga pagpatay sa war on drugs.
Samantala, ilan sa mga ahensyang nakatakdang sumalang ngayong hapon para sa budget debates ang Office of the President, Presidential Communications Office, DOJ, DOST, DICT at DILG.