VP Sara Duterte, hayagang kinontra ang pagbibigay ng amnestiya sa mga rebeldeng komunista

Mahigpit na kinontra ni Vice President Sara Duterte ang pagbibigay ng amnestiya sa mga rebeldeng komunista.

Sa kanyang inilabas na video message, inihayag ni VP Duterte na siya mismo ay saksi sa karumal-dumal na ginawa ng CPP-NPA-NDF sa mga sibilyan sa Mindanao.

Marami na rin aniyang mga kabataan ang nawalan ng magandang kinabukasan matapos na ma-recruit ng New People’s Army (NPA) para mamundok.


Ayon pa kay Duterte, marami na ring mga awtoridad at mga opisyal ng barangay sa mga komunidad ang nabiktima ng karahasan ng mga rebeldeng komunista.

Aniya, ang lahat ng mga biktima ng terorismo ay hindi mabibigay ng hustisya kapag binigyan ng amnestiya ang CPP-NPA-NDF.

Iginiit din ni VP Sara na hindi ang pagbibigay ng amnestiya sa mga terorista ang susi para sa kapayapaan sa bansa.

Wala rin aniyang saysay ang pagsusulong sa peacetalks dahil kailanman ay hindi naging sinsero sa usapang pangkapayapaan ang mga armadong grupo na aniya’y mga traydor.

Umapela rin sa Pangulong Bongbong Marcos si VP Duterte na pag-aralan ng mabuti ang mga hakbang para sa pagbibigay ng amnestiya sa mga rebelde.

Facebook Comments