
Mariing itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga paratang na ibinabato sa kanya ng dating bagman na si Ramil Madriaga.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng pangalawang pangulo na wala siyang personal na ugnayan kay Madriaga at hindi rin umano siya nagbigay ng anumang utos o nakipag-ugnayan dito, kabilang na ang pagbisita sa kanya sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na matatandaang isiniwalat ng kampo ni Madriaga.
Dagdag pa niya na ang mga isinumiteng larawan ni Madriaga ay kuha lamang sa mga pampublikong aktibidad at hindi nagsisilbing ebidensya sa kanyang mga alegasyon.
Una nang sinabi ng abogado ni Madriaga na si Atty. Raymond Palad na dalawang beses umanong dumalaw si VP Sara sa BJMP Manila Annex 2 sa Bicutan, Taguig, kung saan nakaditine si Madriaga.
Matatandaang isiniwalat ni Madriaga na mayroon siyang personal na kaalaman hinggil sa diumano’y paggasta ng P612.5 milyong confidential funds at pagtanggap umano ng pondo mula sa ilegal na droga at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).









