Inisa-isa ni Vice President Sara Duterte ang mga dahilan kung bakit kinakailangan niyang samahan ang kanyang chief of staff (COS) sa detention facility ng Kamara.
Sa kanyang liham kay Joel R. Chua, Chairperson ng Committee on Good Government and Public Accountability, tinukoy ni VP Sara na maraming iniindang problema sa kalusugan si Atty. Zuleika lopez kaya hiniling nito sa kanya na samahan siya sa pasilidad.
Kabilang aniya rito ang chronic back problem na madalas maging dahilan ng migraine ni Lopez, gayundin ang pagkahilo, hirap matulog dahil sa takot sa seguridad at ang matinding pagkapagod dahil sa jet lag at kalungkutan dahil sa kalagayan ng kanyang tiyahin.
Una nang inihayag ni Chua na hindi nila maaaring pagbigyan ang kahilingan ni VP Sara dahil alinsunod aniya sa panuntunan ng Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA), ang kanilang detention facility ay para lamang sa detainees.
At sa pagkakataong ito ay hindi pa naman daw nila ipinag-uutos ang pag-detain sa pangalawang pangulo.