Mariing kinondena ni Vice President Sara Duterte ang umano’y “gross abuse of police power” sa ginawang operasyon ng pulisya para hanapin at arestuhin ang wanted na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Pastor Apollo Quiboloy sa KOJC compound sa Davao City.
Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na bagama’t hindi niya tinututulan ang implementasyon ng warrant ay hindi naman katanggap-tanggap ang umano’y karahasan sa mga sibiliyan at mga miyembro ng religious group.
Mula kahapon ng madaling araw, hindi bababa sa 2,000 na pulis ang pumasok at pumaligid sa KOJC compound upang isilbi ang warrant sa wanted na pastor at mga kapwa akusado nito.
“Hindi ko rin maiwasang matanong sa sarili kung ang paggamit ba ng ‘di pangkaraniwang pwersa at ‘di makatarungang pang-aabuso sa ordinaryong Pilipino, upang maipatupad ang naturang warrant of arrest, ay dahil sa ang akusado ay isang kilalang Duterte supporter,” dagdag ni VP Sara.
Sa huli, humingi ng paumanhin si Duterte sa mga miyembro ng KOJC na hinikayat daw niyang iboto ang running mate noong 2022 na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Report by Radyoman Jairus Peñaflorida