
Nagpahayag ng matinding galit at dalamhati si Vice President Sara Duterte sa pagkakapaslang sa Barangay Kapitan ng Tres De Mayo, Digos City, Davao del Sur, na si Oscar Bucol Jr., mas kilala bilang Kap Dodong.
Ayon kay VP Sara, ang nasabing kapitan ay kilala sa kanyang pagsasalita laban sa korapsiyon at pulitika.
Nabatid na binaril si Bucol habang naka-live sa Facebook, kaya nakunan sa livestream ang pamamaslang sa kanya.
Si Bucol ay kilala sa kanilang lugar sa kanyang hard-hitting criticisms laban sa mga lokal na opisyal at sa hepe ng pulisya doon.
Sinabi ni VP Sara na sa pag-alala sa naturang barangay captain, muli nilang pinagtitibay ang kanilang paninindigan na protektahan ang mga karapatan at kalayaang nagbibigay-daan sa lahat na magsalita, magtanong, at makibahagi nang walang pangamba.









