Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na gumastos ng paunang ₱25 million ang kaniyang mga kalaban sa pulitika para siraan siya.
Sa kanyang pagharap sa kanyang Filipino supporters sa Tokyo, Japan, sinabi ni VP Sara na pauna pa lamang ang ₱25 million dahil tuloy-tuloy aniya ang pagpopondo ng kanyang mga kalaban para sa pagpapabagsak sa kanya.
Mismong ang kaibigan niya aniya sa PR industry na taga-Metro Manila ang nagkumpirma nito sa kanya.
Sinabi pa ni VP Sara na ilan sa mga bumabanat sa kanya ngayon ay naging kaibigan niya pa sa mga nakalipas na administrasyon.
Sa katunayan aniya isang dating kongresista, na ama ng isa sa mga pulitikong umaatake sa kanya ang kumausap sa kanya para humingi ng pang-unawa at nagpahayag ng suporta sa kanya.
Aminado rin ang Pangalawang Pangulo na ngayon niya lamang napagtanto na hindi lahat ng politiko ay kaibigan niya.
Aniya, ang totoong kaibigan ay ang taumbayan.