VP Sara, iginiit na ihinto ang pagdinig ngayon ng Kamara ukol sa naging pagtanggi niya na sagutin ang mga tanong ng kongresista patungkol sa budget ng OVP

Iginiit ni Vice President Sara Duterte sa House Committee on Good Government and Public Accountability na ihinto na ang pagdinig ngayon ukol sa Power of the Purse ng Kongreso at sa hindi niya pagsagot sa mga tanong ng kongresista sa budget hearing.

Malinaw para kay VP Sara na ang pagdinig ngayon ay walang kinalaman sa pagbalangkas ng kailangang panukalang batas, hindi rin tungkol sa tamang paggastos sa pera ng taumbayan at pagsusulong ng mahusay na pamumuno.

Diin ni VP Duterte, layunin ng pagdinig ngayon na sirain sya at ang kanyang opisina para matiyak na hindi sya makakaporma sa 2028 Presidential Elections.


Naniniwala din si VP Sara na puntirya din ng pagdinig ngayon at pag-atake sa kanya ng mga kongresista na makapaglatag ng basehan para sa hangaring impeachment laban sa kanya.

Ayon kay VP Sara, wala siya at kanyang tanggapan na ginawang mali sa paggastos ng pondo at tumugon na rin siya sa report ng Commission on Audit (COA).

Nagpasya naman ang komite na ituloy ang pagdinig.

Tumanggi din si VP Sara na manumpa dahil malinaw aniya sa rules ng komite na ang dapat lang mag-take oath o manumpa ay ang mga testigo at akusado lang at hindi kasama ang katulad nyang resource person.

Sa puntong yan ay kinampihan siya ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na naglatag ng pahayag noon ni dating Senator Miriam Defensor Santiago at desisyon ng supreme court.

Facebook Comments