
Humarap “virtually” sa imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations si Vice President Sara Duterte patungkol sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ay iginiit ni VP Duterte na illegal ang pag-aresto at isang extra ordinary rendition ang ginawa sa kanyang ama nang dakpin ng Interpol kahit walang warrant of arrest mula sa kahit anumang korte rito sa bansa.
Maliwanag din aniya sa Konstitusyon na dapat may kautusan mula sa korte rito sa bansa bago arestuhin ang sinuman at hindi iiral sa sitwasyon ng kanyang ama ang pagsisilbi ng warrantless arrest.
Muli ring iginiit ni VP Duterte na hindi myembro ng ICC ang Pilipinas at wala itong hurisdiksyon sa bansa.
Inungkat din ng bise presidente na sinulatan siya ni Pangulong Bongbong Marcos para sabihin at garantiyahan na hindi makikiisa ang bansa sa ICC.