Ipinahayag Vice President Sara Duterte sa kaniyang sit down interview sa media na minsan niyang binalaan si Sen. Imee Marcos na personal niyang huhukayin ang mga labi ng ama ng senadora na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at itatapon ito sa West Philippine Sea.
Ito ay “kung hindi nila ititigil” ang diumano’y pampulitikang pag-atake.
Magugunita na pinayagan ng ama ni Sara, na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani noong 2016.
Ang naturang desisyon ni FPRRD ay umani noon ng reaksyon at protesta sa buong bansa.
Ayon noon kay Duterte, layon ng kaniyang hakbang na maghilom ang bansa mula sa pagkakahati-hati.
Direktang inakusahan ni Duterte ang administrasyong Marcos na isinasailalim siya sa isang “PR attack” gamit ang pagsisiyasat ng Kamara sa umano’y maling paggamit ng pondo niya noong siya ay kalihim ng Department of Education.