Iginiit ng tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na nagbibigay ng suhestyon ang mga health expert para matugunan ang COVID-19 crisis.
Ito ang sagot ni Gutierrez kay Presidential Spokesperson Harry Roque matapos hamunin si Robredo na bumuo ng kaniyang mga solusyon sa pandemya na hindi nakadepende sa bakuna.
Ayon kay Gutierrez, hindi niya maintindihan kung bakit sinasabi ng pamahalaan na wala silang magagawa kung nagbibigay naman ng suhestyon ang mga eksperto para tugunan ang mga problema ng COVID-19.
Aniya, maraming magagawa ang pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 kung ikinokonsidera lamang nila ang suhestyon ng mga health expert.
“Tuwing may malaking problema, ang sagot na lang nila sa ating lahat, ‘Walang solusyon,” ani Gutierrez.
“Subukan kaya niyong basahin din minsan ang mga rekomendasyon ng mga doktor at ibang eksperto…para hindi naman kayong nagmumukhang inutil lagi,” dagdag pa niya.
Una nang sinabi ni Robredo na ang mga pangunahing problema na kailangang tugunan ng pamahalaan ay kahirapan, gutom, unemployment, mental distress, pagkakaroon ng restructure sa public at private finances, at pagtatatag muli ng matibay na ekonomiya.