VP VOTE RECOUNT | BEI, pinagpapaliwanag ng PET

Manila, Philippines – Pinuna na ng Presidential Electoral Tribunal ang umano ay mga iregularidad sa mga balota na natuklasan sa isinasagawang manual recount sa mga boto para sa pagka-Bise Presidente noong May 2016 elections.

Ang PET ay binubuo ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

May kinalaman ang manual recount sa electoral protest sa pagitan nina Vice President Leni Robredo at Dating Senador Bongbong Marcos Jr.


Kaugnay nito, nagpalabas ng siyam na pahinang resolusyon ang PET noong June 19 kung saan pinagpapaliwanag ang Board of Election Inspectors (BEI) sa Camarines Sur kaugnay ng mga iregularidad na natuklasan ng mga revisor.

Nais ng PET na magkaroon ng paglilinaw sa incident report noong May 25 kaugnay ng clustered precinct No. 36 sa Baragay Tupi, Tinambac na nagsasaad na sa halip na COMELEC red plastic seal ang ginamit sa pagselyo ng ballot box ay apat na black zip tie ang ginamit; mayroon ding plastic seal na nakita sa loob ng ballot box; ang hindi matagpuang election return envelope na wala sa loob ng ballot box; ang tila nabuksan na envelopes para sa minutes of voting o MOV at punit na mga balota at nawawalang voter’s receipt box.

Nais din ng PET na mapaliwanagan sa kwestyonableng paggamit ng dalawang MOV Form na sa Barangay San Francisco sa Iriga City na nakitaan ng iregularidad at ang magkaibang lagda ng BEI Chair sa mga election documents.

Sampung araw ang ibinigay ng PET sa mga kaukulang municipal treasurer at mga myembro ng BEI para magsumite ng paliwanag.

Noong Abril, pinagpaliwanag din ng PET ang mga municipal treasurer sa Bato, Sagnay sa bayan ng Garchitorena at Ocampo kung bakit basa o napinsala ang mga balota sa kani-kanilang mga presinto.

Facebook Comments