Manila, Philippines – Dismayado si Committee on Economic Affairs Chairman Senator Win Gatchalian sa nakaraming reklamo ngayon laban sa pagmamalabis umano ng Grab Philippines matapos na mawala ang Uber at masolo na nito ang ride sharing industry.
Giit ni Gatchalian, hindi dapat abusihin ng Grab Philippines ang ibinigay na oportunidad dito para mag-operate sa bansa at kumita.
Ilan sa mga reklamong tinukoy ni Gatchalian ang 30-percent na pagtaas ng Grab ng singil at ang ginagawang pagtanggi o pamimili ng pasahero ng mga drivers nito.
Bunsod nito ay nagbabala si Gatchalian na papaimbestigahan sa Senado ang nabanggit na mga reklamo at irerekomendang ipasara ang Grab.
Diin ni Gatchalian, may kapangyarihan ang gobyerno na agad ipatigil ang operasyon ng Grab kapag napatunayang inaabuso ang monopoly status nito.