Manila, Philippines – Iginiit ni Deputy Speaker Fredenil Castro na hindi pwedeng gamitin sa International Criminal Court (ICC) ang ginawang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang tangi niyang kasalanan lamang ay ang extra-judicial killings.
Ito ay kahit pa sinabi ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na pinapadali ni Pangulong Duterte ang pag-usad ng kaso nito sa ICC dahil sa pag-amin sa EJKs habang pinaniniwalaan naman nila ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at France Castro na ‘admission of guilt’ ang ginawa ng Presidente.
Ayon kay Castro, walang bigat ang naging pahayag ng Pangulo para magamit ito sa mga kaso ng ‘crimes against humanity’ na inihain sa ICC.
Aniya, walang dahilan para masabing ito ay pag-amin na ipinag-utos o may kinalaman sa EJKs sa bansa ang Presidente.
Ipinaalala nito na ang Pangulo ay isang abogado at dalubhasa sa mga kasong kriminal kaya nalalaman nito ang implikasyon ng kanyang mga naging pahayag.
Depensa din ni Castro, alam naman ng lahat ang istilo ng pananalita ni Pangulong Duterte na pala-biro at gustong magpatawa kaya hindi na ito dapat seryosohin.