Manila, Philippines – Ipinalala ngayon ng mga Senador ang soberenya at demokrasyang umiiral sa bansa kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi papayag si Chinese President Xi Jinping na mapatalsik siya sa Malacañang.
Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, sana ay tulungan ng Panginoon ang Pilpinas, sabay diin na walang ibang bansa ang maaring magdesisyon kung ano ang makabubuti para sa mga Pilipino.
Giit naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, dapat ay sa mamamayang Pilipino at hindi sa China nakasandal si Pangulong Duterte.
Tanong pa ni Pangilinan, ang nabanggit na proteksyon ba ng China ang kapalit ng pananahimik ni Pangulong Duterte sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea at sa mga pautang nito na napakalaki ng interes?
Dapat aniya ay mas iniisip ng Pangulo ang kapakanan ng mahigit 100 milyong mga Pilipino sa halip na sarili nito.
Si Senator Antonio Trillanes IV naman, duda na totoong sinabi ng Chinese president ang pahayag ni Pangulong Duterte na aniya ay malinaw na pagtraydor sa bansa at bunga ng kapraningan na siya ay sisipain sa posisyon.
Paliwanag pa ni Trillanes, walang kapangyarihan ang China na pigilan ang sakaling pagpapalit ng liderato sa ating bansa.
Para naman kay Senator Leila de Lima, mukhang kinakabahan si Pangulong Duterte na mapatalsik sa puwesto dahil alam umano nito na mali talaga ang mga ginagawa nitong paglabag sa karapatang pantao at pagkontrol niya sa mga demokratikong institusyon tulad ng Korte Suprema.