WAG MABAHALA | Defense department, kinalma ang publiko sa isyu ng MEMO number 32 ng Malakanyang

Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of National Defense na walang dapat ikabahala ang publiko sa inilabas na Memorandum Order number 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapalawak sa saklaw ng State of Lawlessness sa apat na lugar na malakas umano ang presensya ng CPP-NPA at NDF.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi ito panimula para sa Nationwide Martial Law.

Binigyang diin ni Lorenzana, limitado lamang ang sakop ng nasabing Memorandum Order at naniniwala siyang mananatili lamang ito sa mga lugar kung saan malakas ang presensya ng mga Lawless Elements tulad ng CPP-NPA at NDF.


Inihayag din ng Defense Chief na maliban sa paglaganap ng krimen sa mga lugar ng Samar, Negros Occidental, Negros Oriental at Bicol Region gayundin ng karahasan, malaking bagay aniya ito para masugpo ang ginagawang pagkontrol ng mga rebelde sa resulta ng halalan doon.

Sinabi pa ni Lorenzana na dapat na ituring itong karagdagang seguridad upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa mga nabanggit na lugar.

Facebook Comments