Manila, Philippines – Punong puno na ang Palasyo ng Malacañang sa mga inilalabas na banat ng United Nations Special Rapporteur o UNSR sa Administrasyng Duterte.
Ito ang pahayag ng Malacañag matapos manawagan si special rapporteur Michael Forst na dapat ay itigil na ng Gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng uri ng karahasan laban sa mga human rights defenders.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, iresponsable ang naging pahayag ni Forst dahil sinisira nito ang integridad ng Special Rapporteur system pati na ang buong mekanismo ng United Nations.
Binigyang diin ni Panelo na punong puno na sila sa paggamit sa UN para ulit ulitin ang walang basehang batikos laban sa administrasyon ng ilang grupo dito sa Pilipinas na sinusuportahan ng mga pulitikong mula sa oposisyon.
Sinabi pa ni Panelo na matagal nang ginagamit ng iba’t-ibang grupo ang UN para siraan ang Administrasyong Duterte kaya hindi na dapat aniya ito nagpapauto sa mga ito.
Ipinunto ni Panelo na bilang miyembro ng human rights council sa ika limang termino ay ipinapakita ng nito na iginagalang ng pamahalaan ang karapatang pantao at isinusulong ng Administrasyon ang mga human rights advocacies.