Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na walang dapat ikabahala ang lahat sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na doblehin ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Natiuonal Police sa mga lalawigan ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at Bicol Region.
Kinukuwestiyon kasi ang nasabing kautusan ng Pangulo dahil posible anila itong magamit ng Pamahalaan sa halalan at Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na hindi naman kailangang idaan pa sa Memorandum Order ang pagatas sa PNP at AFP na magdagdag ng puwersa sa anomang lugar sa bansa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, walang dapat ipangamba o hindi dapat masamain ng ilang sector ang kautusan ng pangulo dahil ang pakay lamang nito ay protektahan ang mamamayan laban sa krimenalidad at terorismo at anomang karahasan.
Tiniyak din naman ni Panelo na kung kakailanganin ay magpapadala din naman si Pangulong Duterte ng karagdagang puwersa sa mga lugar na may problema sa seguridad at may malakas na puwersa ng kalaban ng estado.