Manila, Philippines – Iminungkahi ng mga stakeholder ng Boracay na magsasagawa na lang sila ng paglilinis sa kani-kanilang mga bakuran sa halip na tuluyang ipasara ang buong isla para sa rehabilitasyon.
Sa pagtitipon-tipon ng mga negosyante ng Boracay, nilinaw nilang hindi sila tutol sa rehabilitasyon pero huwag naman biglang ipasara ang buong isla.
Kapag wala itong naging epekto, doon lang anila dapat magkaroon ng total closure sa isla.
Ayon kay Christine Ibarreta, organization of hotel sales and marketing professionals, sakali kasing ipasara ang Boracay, nasa 36,000 tao ang mawawalan ng kabuhayan.
Kasabay nito, humiling naman ni Tourism Congress of the Philippines President Jose Clemente III ng isang diyalogo kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinahayag din ng mga stakeholder ang kanilang pagka-dismaya sa pagtatayo ng isang casino-resort sa Boracay sa gitna ng mga planong rehabilitasyon sa isla.