Manila, Philippines – Ipaaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga resort owners at mga opisyal ng local na pamahalaan sa Boracay Island kung papalag sa gagawin niyang hakbang.
Ayon kay Pangulong Duterte, mas magandang sumunod na lamang ang mga may-ari ng mga establisimyento na lumabag sa batas pangkalikasan at dapat ding sumunod ang mga opisyal ng local na pamahalaan.
Binigyang diin ng Pangulo na sakaling pumalag o magprotesta ang sinoman sa mga ito ay ipaaaresto niya lahat dahil sa hindi pagsunod sa kanyang kautusan.
Sinabi ng Pangulo na maglalabas siya ng desisyon sa oras na makapaglatag ng rekomendasyon ang Department of Environment and Natural Resources o DENR pati na ang Department of Interior and Local Government o DILG.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na magdedeklara siya ng State of Calamity sa Boracay para magamit ang Calamity fund ng pamahalaan para matulungan ang mga maaapektohan ng kanyang magiging desisyon.