Mariing tinutulan ng Partido Reporma ang panawagan ng ilan na dapat nang umatras si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang kandidatura bilang pangulo ngayong Halalan 2022, kasunod ng resulta ng mga survey habang papalapit ang opisyal na panahon ng kampanya.
Ayon kay Partido Reporma treasurer Arnel Ty, taliwas ito sa prinsipyo ni Lacson na kanyang pinanghahawakan sa loob ng 50-taong karera sa serbisyo publiko na kanya nang napatunayan bilang isang sundalo, pulis, mambabatas at opisyal ng pamahalaan.
“Hindi tayo sang-ayon sa pananaw ng ilan na nagsasabing dapat nang magbitiw ang ating chairman dahil nahuhuli siya sa mga survey at bigyang-daan ang ibang kandidato sa hangaring pag-isahin ang tinatawag na oposisyon,” sabi ni Ty sa isang opisyal na pahayag na inilabas ng Partido Reporma.
Ayon kay Ty, nakalimutan ng mga taong ito na iniwan ng tinutukoy nilang lider ang partido na sumuporta sa kanya sa mahabang panahon para tumakbo bilang independent candidate, at bumuo ng koalisyon gamit ang ibang kulay at hindi ang kulay na nagpakilala sa kanya sa madla.
“Ito ang parehong kandidato na unang naghain kay Sen. Lacson ng isang plano na ‘pag-isahin’ diumano ang oposisyon ngunit hindi pinapayagan ang aming chairman na tuparin ang mga pangako niya sa kanyang mga tagasuporta gayong siya ang unang nagdeklara ng kanyang kandidatura. Nagpapakita na ito’y plano lamang upang palakasin ang sarili niyang interes,” aniya.
Dagdag pa ni Ty, “ibang kuwento ang sinabi ng kandidatong ito sa kung paano nagtapos ang kanilang mga pag-uusap, sa pagkukunwaring ayaw niyang makita na may ‘nasayang’ na boto para sa ‘oposisyon.’”
Hamon pa ng Partido Reporma, imbes na idaan sa media ang mga pasaring nito kay Lacson, dapat umanong tumayo ang mga kandidato sa kanilang sariling prinsipyo para makuha ang boto ng mga Pilipino sa darating na halalan sa May 9 ngayong taon.
Alinsunod sa mga adbokasiya ni Lacson, sinabi pa ni Ty na mananatiling nakapokus sa matalinong talakayan ang kanyang kampanya at pagsusulong ng mga reporma na pinaka-kailangan ng taumbayan ngayong humaharap pa rin ang bansa sa pandemya ng COVID-19 at problema sa ekonomiya.
Umaasa si Lacson na magkakaroon siya ng pagkakataon na maipatupad ang mga planong ito para sa bansa gamit ang kanyang karanasan sa ilang dekadang pagtulong sa pagbalangkas at pagbabantay ng pambansang badyet at pagsusulong ng makabuluhang mga batas.
“Naniniwala kami na nakikiayon ang ating mga kababayan sa adbokasiya ng Partido Reporma para sa reporma sa gobyerno at lipunan—at maipapakita ito sa pamamagitan ng pagpili nila kay Panfilo “Ping” Lacson bilang susunod na pangulo ng bansa,” ang pahayag ni Ty.