Isa pang petisyon para sa dagdag-sahod ang nakatakdang ihain ng grupo ng mga manggagawa bukas, Marso 29.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), alas-9:00 ng umaga bukas, pormal nilang ihahain sa Regional Tripartite Wages And Productivity Board (RTWPB) sa Cagayan de Oro City ang hirit na taas-sahod para sa mga manggagawa sa Northern Mindanao.
Sa ngayon ay isinasapinal pa nila ang halaga ng hihilingin nilang umento pero hindi aniya ito bababa sa P400 at hindi tataas sa P500.
Kasalukuyang nasa P365 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa Region 10.
Sakop nito ang mga probinsya ng Misamis Oriental, Misamis Occidental, Bukidnon, Lanao del Norte, at Camiguin.
Una nang naghain ang grupo ng wage hike petitions sa Metro Manila, Central Visayas at Davao Region.
Umaasa naman si Tanjusay na agad magpapatawag ng konsultasyon ang wage board at makapaglalabas ng desisyon sa harap na rin ng panibagong taas-presyo sa langis at pinangangambahang taas-presyo sa bigas.