Itinutulak ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang pagbibigay ng wage subsidy para sa mga empleyadong nagtatrabaho sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).
Iminungkahi ni Herrera na gumawa ang gobyerno ng emergency wage subsidy program para sa MSMEs upang sa gayon ay mapanatili ang trabaho at matiyak naman ang kita ng mga empleyado sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa rekomendasyon ng lady solon, ang pamahalaan muna ang magpapasweldo sa mga manggagawa ng MSMEs sa loob ng dalawang buwan.
Sa ganitong paraan, hindi lang, aniya, maiiwasan ang tanggalan sa trabaho kundi matutulungan din ang maliliit na negosyo na magpatuloy sa kanilang operasyon kasunod ng krisis.
Paliwanag pa ng kongresista, ang payroll subsidy na tulong sa mga empleyado ng MSMEs ay isang paraan din nang pagtanaw ng gobyerno sa kanilang malaking kontribusyon sa paglago ng ekonomiya.
Tinukoy ni Herrera na nasa mahigit 99% ang mga negosyong ito na nagbibigay ng trabaho sa 63.19% ng mga manggagawa sa bansa.