Iginiit ni committee on Committee on Economic Affairs Chairperson Senator Imee Marcos sa gobyerno na palawakin pa ang ayuda sa ilalim ng Small Business Wage Subsidy o SBWS Program.
Ito ay para maiwasan ang tanggalan sa trabaho sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa sandaling mapalawig pa ang lockdown kontra sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Marcos, base sa kasalukuyang ₱51-billion na SBWS budget, ay tinatayang nasa 4.6 milyong manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho.
Karamihan, aniya, sa mga ito ay nasa sector na pinakamatinding tinamaan ng lockdown gaya nang mga nasa trade, transportation, accommodation and food, manufacturing, at construction.
Ipinaliwanag ni Marcos na para mabigyan ng ayuda ang lahat ng mga ito, ay mangangailangan ang pamahalaan ng halos ₱63 billion sa unang buwan pa lang.
Una nang iniulat ng Department of Finance (DOF) na mahigit sa 436,000 na maliliit na negosyo na ang nagsara mula pa noong kalagitnaan ng Marso dahil sa ipinatutupad na lockdown sa Luzon at sa iba pang lugar sa Visayas at Mindanao.