Muling nasungkit ng pambato ng Pilipinas ang Miss Universe crown!
Ito ay matapos na talunin ni Catriona Gray ang 93 iba pang mga kandidata sa Miss Universe 2018 pageant na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Bukod sa kanyang “lava walk” na nagpa-wow sa audience, hinangaan din si Gray sa kanyang mga winning answer.
Sa question and answer portion para sa mga nakapasok sa top 5, tinanong si Gray kung ano ang opinyon niya sa pagsasa-legal ng marijuana.
Aniya, ok lang sa kanya na gamitin itong panggamot pero hindi siya sang-ayon sa recreational use nito.
Mas dumagundong ang ingay ng mga Pinoy fans sa loob ng impact arena nang makapasok ang 24-year-old Filipino-Australian sa top 3.
Sa final words, tinanong ang final three candidates kung ano ang pinakamahalagang aral na natutunan nila sa kanilang buhay at paano nila ito ia-apply sa panahon nila bilang Miss Universe.
Sa puntong ito, binanggit ni Gray ang hirap ng buhay ng mga residente sa Tondo, Maynila.
Si Gray na tubong Albay ay ang ikaapat na nakapag-uwi ng Miss Universe crown sa Pilipinas.
Itinanghal na first runner up sa pageant si Tamaryn Green ng South Africa habang second runner up si Miss Venezuela.
Bago sumabak sa Miss Universe, una na kinoronahan si Gray bilang Miss World Philippines noong 2016 at nakapasok sa top 5 sa pagsabak niya sa Miss World 2016 na ginanap sa Maryland, United States.