WAGI | Duterte Administration, nagtagumpay sa demolisyon laban kay CJ Sereno

Manila, Philippines – Walang duda na nagtagumpay ang Duterte Administration sa pagwasak sa Korte Suprema bilang isang institusyon.

Ito ay matapos ang botohan sa probable cause sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung saan nakitaan ng sapat na basehan ang pagpapatalsik sa Punong Mahistrado.

Ayon kay Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, ang dating highly-respected na institusyon ay nabahiran na sa mata ng publiko.


Ang nangyayari aniya laban sa Chief Justice ay hindi lamang simpleng pag-atake sa isang indibidwal kundi ito ay isang demolisyon na rin sa buong Hudikatura.

Dagdag pa ni Alejano, hindi na siya nagulat sa resulta sa botohan ng probable cause kahapon dahil talagang intensyon ng gobyerno na sipain sa pwesto si Sereno.

Umaasa na lamang ang kongresista mula sa independent minority na paiiralin ng mga mambabatas sa Senado ang impartiality sa reklamo laban sa Punong Mahistrado.

Facebook Comments