Waiver, hindi kailangan sa pamamahagi ng ayuda – DILG

Pinagpapaliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Local Government Unit (LGU) ng San Jose del Monte sa Bulacan dahil sa pagpapapirma ng waiver sa mga benepisyaryo ng ₱1,000 ayuda.

Ayon kay DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya, bineberipika na nila ang reklamong ito.

Aniya, walang nakasaad na pipirma ng waiver sa inilabas na Joint Memorandum Circular ng DILG at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng ayuda.


Maliban dito, wala rin aniyang ganitong kondisyon sa executive order na inisyu ng Mayor ng San Jose del Monte.

“Kinu-confirm muna namin itong report na ito kung totoo nga na may waiver. At hinihintay namin po ang paliwanag ng San Jose del Monte; if true, bakit sila nag-require ng waiver because as I said, wala nga po sa Joint Memorandum Circular #1 ang waiver at wala rin po doon sa executive order na inisyu ng mayor ng San Jose del Monte,” ani Malaya.

Una nang sinabi ni Atty. Elmer Galicia, City Legal Officer ng San Jose del Monte, na ang waiver ay patunay lamang na natanggap ng benepisyaryo ang ayuda at boluntaryo lang din ito.

Kung magkano rin aniya ang natanggap na halaga ay ito rin lamang ang isinusulat ng mismong tumanggap taliwas sa mga lumabas na balita.

Facebook Comments