WALA SA PLANO | Mga Senador, ayaw pa rin ng Con-Ass

Manila, Philippines – Wala pa rin sa plano ng mga Senador na makiisa sa isinusulong na Constituent Assembly para isagawa ang charter change na magpapalit sa porma ng gobyerno patungong Federalism.

Ang posisyon ng mga Senador ay sa kabila ng paghahain ni House Speaker Gloria Arroyo ng resolusyon na nagtatakda ng hiwalay na pagboto ng Senado at Kamara sa oras na matuloy ang Con-Ass para sa Cha-cha.

Ayon kay Senator Ping Lacson, hindi magpapasa ang Senado ng resolusyon para sa makalahok sila sa Con-Ass dahil hindi garantiya ang salita ni Arroyo na hiwalay na magbobotohan ang dalawang kapulungan sa Con-Ass.


Paliwanag ni Lacson at ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, isang boto lang si Arroyo kaya maaring brasuhin ng 290 na mga kongresista ang joint voting para mawalan ng silbi ang Senado at malaya nilang maisulong ang kanselasyon ng 2019 elections.

Para naman kay Committee on Constitutional Ammendments Chairman Senator Kiko Pangilinan, mainam na isuko na ng Kamara ang Cha-Cha dahil wala ng sapat na panahon para ito ay mapag-aralang mabuti at maisagawa.

Diin naman ni Senator Risa Hontiveros, mayorya ng mga Senador ay hindi naniniwala na tutuparin ng Kamara ang hiwalay na botohan dahil ilang beses ng hindi iginalang ng mga kongsista at malakanyang ang konstitusyon.

Facebook Comments