
Manila, Philippines – Kinatigan ng Palasyo ng Malacañang si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle nang sabihin nito na ang mga nasa kapangyarihan ay hindi dapat nambu-bully ng sinoman.
Sinabi kasi ni Tagle sa kanyang homily sa unang araw ng simbang gabi na hindi dapat ginagamit ng mga tao ang kanilang mga kapangyarihan para mambully ng iba.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kahit si Pangulong Duterte ay kontra din sa pambubully kaya walang dahilan para kontrahin ang mga naging pahayag ni Tagle sa kanyang sermon.
Paliwanag ni Panelo, kung generic lang ang naging mensahe ni Tagle ay pareho sila ng paninindigan ni Pangulong Duterte at nagkakaisa ang dalawa ng Pananaw.
Pero sinabi ni Panelo na kung ang pinatutungkulan ni Tagle na bully ay si Pangulong Duterte ay nagkakamali ito dahil wala sa ugali ni Pangulong Duterte na mambully ng iba.
Sinabi ni Panelo, kung nakapagsalita man si Pangulong Duterte na hindi naging maganda sa pandinig ng iba ay hindi ito pambubully kundi pagsasabi lang kanyang sentimyento sa isang sitwasyton na hindi niya nagustuhan.









