Manila, Philippines – Wala pang pormal na appointment na inilalabas ang Malacañang sa appointment kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon bilang Director ng Bureau of Corrections (BuCor).
Inihayag ito ng kampo ni Faeldon matapos sabihin kamakailan ni Justice Secretary Menardo Guevarra na halos isang buwan matapos maitalaga sa BuCor ay hindi pa rin daw nagpapakita sa kanyang tanggapan sa kawanihan si Faeldon.
Ayon sa legal team ni Faeldon, hindi naman nag-aanunsyo ang Malacanang ng “proposed appointment” dahil ang inilalabas lamang nito ay ang mga appointment papers na opisyal nang nalagdaan.
Nakasaad din anila sa Section 9 ng Republic Act 10575 o Bureau of Corrections Act of 2013, na ang Director General ng BuCor ay itinatalaga ng Pangulo gaya ng naging appointment kay Dating PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa noong Abril 30.