Manila, Philippines – Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) na pumapayag na makapagpyansa ang labing-anim na pulis na kabilang sa 198 akusado sa Maguindanao massacre case.
Ito ay makaraang ibasura ng CA 10th Division ang motion for reconsideration ng prosekusyon na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon ni QC-RTC Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes na pumapabor sa petition for bail ng labing anim na pulis na myembro ng Provincial Mobile Group (PMG).
Ayon sa Court of Appeals, walang bagong argumento na iprinisinta ang prosekusyon sa kanilang motion for reconsideration.
Sa resolusyon ng CA, kinatigan lamang nito ang nauna nang pagpayag ni QC RTC Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes na makapagpyansa ang mga akusadong myembro ng PNP.
Sa ilalim ng Saligang Batas, pinapayagan na makapagpyansa ang mga akusado sa mga krimen na may katapat na parusang reclusion perpetua kung walang matibay na ebidensya laban sa kanila.