Manila, Philippines – Iginiit ni Albay Rep. Edcel Lagman na walang legal na basehan ang banta ng House Committee on Justice na iisyuhan ng warrant of arrest si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sakaling hindi ito haharap sa pagdinig sa Kamara.
Sinabi ni Lagman na walang matibay na batayan at wala ding silbi ang pag-aresto dahil wala namang legal purpose ang pagpipilit na lumutang sa pagdinig ng impeachment case si Sereno.
Aniya, sinagot naman na lahat ni Sereno ang mga alegasyon laban sa kanya bukod pa sa pagpapadala nito ng mga abogado na kakatawan sa Punong Mahistrado.
Giit pa ni Lagman, nasa complainant na si Atty. Larry Gadon ang bola para patunayan ang mga ibinibintang na reklamo kay Sereno.
Pero hanggang ngayon aniya ay wala pang mapatunayan at puro salita lamang si Gadon laban kay Sereno.
Kaugnay dito ay sinabi ni Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na mapipilitan silang isyuhan ng warrant si Sereno kapag hindi ito humarap sa susunod na pagdinig kung saan nakatakdang ipa-subpoena ang Chief Justice.