Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacanang na walang magiging bigat ang pahayag ng US intelligence community sa preliminary examination ng International Criminal Court sa reklamong Crime Against Humanity laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaan kasi na sinabi ng US intelligence community na banta sa demokrasya at sa karapatang pantao sa South East Asia si Pangulong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi naman miyembro ng ICC ang Estados Unidos ng Amerika kaya naniniwala siyang walang epekto ang pahayag ng intel community ng US.
Paliwanag ni Roque, ayaw na ayaw ng US na makasapi ng ICC dahil ayaw nitong imbestigahan ng korte ang kanilang militar.
Matatandaan na sinabi narin ng Malacanang na walang katotohanan na diktador o may posibilidad na magin diktador si Pangulong Duterte at patunay nito ang patuloy na pag-andar ng hustisya sa bansa, patuloy na pagiging independent ng lehislatura at patuloy na pagbibigay ng gobyerno ng pangunahing serbisyo sa mamamayan.