Manila, Philippines – Walang dahilan para bawiin ng gobyerno ang plano nitong suspendihin ang ikalawang bugso ng fuel excise tax sa susunod na taon.
Sa harap ito ng big time oil price rollback sa mga produktong petrolyo ngayong Linggo.
Katwiran ni Pasang Masda President Obet Martin – kahit bumaba ang presyo ng langis ngayon, posibleng magmahal pa rin ito sa mga susunod na araw.
Bukod dito, duda rin daw siya na papayag ang mga puv operators na magpatupad ng bawas-pasahe kahit magtuluy-tuloy na ang pagbababa ng presyo ng krudo.
Dagdag pa ni Martin, hindi sila kampante sa bigtime rollback dahil mahigit P47 pa rin naman ang presyo ng diesel, maliban na lang kung bumaba ang halaga nito sa P40 kada litro.
Inabot na rin aniya ng isang taon bago pa tuluyang inaprubahan ng LTFRB ang hirit nilang P10 na minimum sa pamasahe.