WALANG ILEGAL | Joint task force laban sa illegal recruitment, ipinalilikha ng isang mambabatas

Manila, Philippines – Hinihimok ni OFW PL Rep. John Bertiz ang pamahalaan na magtatag ng Joint Task Force laban sa illegal recruitment bunsod na rin ng deployment ban ng mga OFWs sa Kuwait.

Ikinakabahala ng mambabatas na tataas ang illegal recruitment sa Kuwait dahil sa ban sa pagpapadala ng mga domestic workers sa nasabing bansa kasabay na rin ng pagtaas ng kaso ng mga nagpapakamatay at mga inaabusong OFWs doon.

Ayon kay Bertiz, ang Joint Task Force ang magmo-monitor sa exit ng mga Pilipino papuntang Kuwait at titiyak na walang Pinoy ang ilegal na makakapasok sa naturang bansa habang ipinapatupad ang deployment ban.


Layon din ng pagtatatag ng task force na magsagawa ng surveillance operation upang matunton ang mga illegal recruiters at maparusahan ang mga ito.

Kailangan aniyang ipakita na may ngipin ang deployment ban dahil may mga kaso noon na kahit ipinagbabawal ang pagpapadala ng mga domestic workers y tuloy ang mga illegal recruiters sa kanilang gawain na lalo lamang naglalagay sa panganib sa mga OFWs.

Facebook Comments