Manila, Philippines – Walang mangyayaring increase sa subsidiya ng gobyerno para sa pantawid pasada program sa susunod na taon.
Ito ang nilinaw ni Budget Sec. Benjamin Diokno sa harap ng pagsuspinde sa ikalawang tranche ng fuel excise tax.
Nakatakda sanang tumanggap ng fuel subsidy na P20,514 para sa buong 2019 ang mga public utility jeepney franchisees mula sa kasalukuyang P5,000.
Pero paliwanag ni Diokno – hindi nila pwedeng taasan ang benepisyo dahil wala rin namang mangyayaring pagtaas excise tax kung saan sana kukunin ang pondo para ilang proyekto ng administrasyon.
Dahil dito, ibabase pa rin ang pantawid pasada benefits sa kung magkano ang natatanggap ng mga PUJ franchisees ngayong taon.
Samantala, sa kabila ng mahigit P40-bilyong inaasahang lugi sa pagsuspinde ng excise tax sa langis, tiniyak ng gobyerno na hindi nila gagalawin ang pondo sa unconditional cash transfer para sa mahihirap na pamilyang Pilipino.
Sa susunod na taon, P300 kada buwan o katumbas ng P3,600 sa buong taon ang matatanggap ng mga benepisyaryo nito mula sa kasalukuyang P200 kada buwan o P2,400 para buong 2018.