Manila, Philippines – Pinigil ng Court of Appeals (CA) ang suspensyon ng Office of the Ombudsman sa apat na commissioner ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ito ay matapos magpalabas ang CA ng Temporary Restraining Order (TRO) sa isang taong suspensyon na ipinataw ng Ombudsman kina: ERC Commissioners Alfredo Non, Gloria Victoria Yap-Taruc, Josefina Patricia Asirit, at Geronimo Sta. Ana.
Layon ng animnapung araw na TRO ng appellate court na hindi maapektuhan ang serbisyo-publiko ng ERC.
Nabatid na wala kasing hinirang ang Malakanyang na kapalit ng mga nasuspendeng ERC commissioners.
Ang suspension order ng Ombudsman ay may kaugnayan sa kasong conduct prejudicial to the best interest of the service, simple misconduct at simple neglect of duty.
Nag-ugat ito sa maanomalyang kasunduan sa suplay ng kuryente sa tatlumpu’t walong mga kumpanya, kung saan pito rito ay kunektado sa Manila Electric Company o MERALCO.