WALANG KONDISYON | Pagtanggap sa donasyon ng EU sa Pilipinas, ipinaliwanag ng Malacanang

Manila, Philippines – Nagpaliwanag ngayon ang Palasyo ng Malacañang kung bakit tinanggap ng pamahalaan ang 3.8 million Euros na mula sa European Union (EU).

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na tanggapin ang tulong ng EU dahil wala naman itong kaakibat na kondisyon.

Sinabi pa ni Roque na nakalaan ang ibinigay na halaga para sa rehabilitasyon ng mga drug personalities sa buong bansa.


Layon nitong matulungan ang mga lulong sa iligal na gamot at maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

Sinabi din ni Roque na malinaw na inaayunan ng EU ang paraan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagharap sa problema sa iligal na droga sa bansa at pagtanggap na ito ay isang public health issue.

Didiretso naman aniya ang nasabing pondo sa Department of Health dahil ito ang may hawak sa mga programang pangkalusugan.

Binigyang diin din ni Roque na walang nagbabago sa paninindigan ni Pangulong Duterte sa hindi pagtanggap ng ayuda mula sa anumang dayuhang grupo na mayroong kaakibat na kondisyon.

Paliwanag ni Roque, ayaw ng Pangulo na pinakikialaman ng ibang bansa o ibang grupo ang panloob na usapin ng Pilipinas.

Facebook Comments