Manila, Philippines – Masama umano ang loob kay Senate President Koko Pimentel ng mga re-eleksyonista mula sa kampo ng mayorya na kinabibilangan nina Senators JV Ejercito, Cynthia Villar, Sonny Angara, Grace Poe, at Nancy Binay.
Ayon kay Senator Ejercito, ito ay dahil hindi ipinaglalaban ni Pimentel na mapasama sila sa binubuong pambato sa pagkasenador ng PDP laban sa 2019 elections.
Ang pahayag ni Ejercito ay makaraang maglabas ng listahan si House Speaker Pantaleon Alvarez para sa posibleng mga kandidato ng PDP laban sa pagkasenador.
Paliwanag ni Ejercito, bilang pangulo ng senado at pangulo din ng PDP laban ay nakakapaghinanakit na tila hindi binibigyang konsiderasyon ni Pimentel ang pagsuporta nila sa legislative agenda at administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa pang pinuna ni Ejercito ang pahayag ng PDP laban na tanging ang sumusuporta lamang sa federalism ang may tsansa na mapasama sa senatorial ticket nito.
Katwiran ni Ejercito, bukas sila sa federalism pero mahalaga na ito ay kanila munang mapag-aralang mabuti.